SPONSORED LINKS

Si Baron Geisler ang kauna-unahang nakalaban ni Kiko Matos sa isang labanang mixed martial arts o MMA. Isinabak ng Universal Reality Combat Championship (URCC) ang dalawang aktor sa pareho nilang kauna-unahang MMA fight noong 2016 na nagtapos sa isang draw.

Ngayon lang Agosto 12, Sabado, isinabak muli ng URCC si Kiko sa kanyang pangalawang MMA fight sa “URCC: XXX” na ginanap sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City. Tinalo niya ang social media sensation na humamon sa kanya na si Billy Jack Sanchez sa pamamagitan ng rear-naked choke sa oras na 2:50 ng unang round.

Kinapanayam ng Conan Daily si Kiko Matos pagkatapos ng laban sa “URCC: XXX.” Pinasalamatan ng aktor ang kanyang pamilya, lalo na ang kanyang ina at ang kanyang girlfriend, ang model na sa si Maria Martinez, na nandoon mismo sa Araneta upang panoorin ang kanyang pangalawang MMA fight.

Nang tanungin si Kiko Matos kung ano ang susunod na hakbang niya bilang isang MMA fighter, sinabi niya na ang orihinal na makakalaban niya dapat sa “URCC: XXX” ay hindi si Billy Jack Sanchez kundi si Polo Ravales.

 (photo: Conan Daily)

Kaya naman sinabi ni Kiko Matos na gusto niyang makalaban si Polo Ravales sa sususod niyang MMA fight. Noong Agosto 13, Linggo, nag-post si Kiko Matos ng isang Facebook video para pasalamatan si Billy Jack Sanchez sa pagsipot sa laban nila sa “URCC: XXX” at tawagin ang pansin ni Polo Ravales.

Agad namang sumagot si Polo Ravales. Nag-post din ito ng Facebook video kung saan makikitang nag-eensayo ito ng boxing.

Fight mode on,” sabi ni Polo Ravales sa caption. Dagdag pa niya ay hindi siya kagaya nina Baron Geisler at Billy Jack Sanchez saka binantaan si Kiko Matos na pag-isipan niyang mabuti kung gusto siyang masubukan sa isang laban.

Kasalukuyang napapanood si Polo Ravales bilang Erin sa “La Luna Sangre” ng ABS-CBN. Mapapanood naman si Kiko Matos sa bagong series na dinirek ni Brillante Mendoza na pinamagatang “AMO” na eere sa TV5 tuwing 9:30 p.m. ng Linggo umpisa sa Agosto 20.  

Wala pang pahayag ang URCC kung isasalang sina Kiko Matos at Polo Ravales sa isang MMA match sa taong ito. Samantala, panoorin ang post-fight interview kay Kiko Matos sa “URCC: XXX” dito:




SPONSORED LINKS

Post a Comment Disqus

 
Top