SPONSORED LINKS

Puro pasabog ang nakaraang linggo ng pinakamapangahas na teleserye sa telebisyon ngayon, ang My Husband's Lover. Inabangan ng maraming manonood ang mga kaganapang yumanig sa buhay ng mga Soriano, mula sa pagdating ni Zandro sa wedding anniversary party nina Armando at Elaine hanggang sa pagtuklas ni Elaine sa pagkakaibigan nina Lally at Paul.

Nagsimula ang linggo sa pagpunta ni Zandro, ang gay na pamangkin ni Armando, sa wedding anniversary celebration nina Armando at Elaine. Dumating ito ng nakabihis babae, at dahil sa kahihiyang natamo ng mag-asawa ay hindi napigilan na Armando na pagbuhatan ng kamay ang pamangkin. Aawatin siya nina Vincent at Lally ngunit walang magawa ang mga ito. Dahil sa nangyari ay magdadalawang isip ang mag-asawa na sabihin ang sikreto ni Vincent sa kanyang mga magulang.

Si Eric naman, maibebenta na ang kanyang condo. Kasabay nito ay susubukan niyang kunin ang sariling buhay ngunit mapipigilan siya ni Sol. Ito ang magtutulak kay Eric na magpakatatag sa desisyon na mag-move on. Gagawin naman ni Sol ang lahat para tulungan ang anak, at para humingi ng tulong sa isang espeysal na lalake, si Martin.

Isang trahedya ang gigimbal sa buhay ng mga Soriano. Aatakihin sa puso si Manuel, ang ama ni Zandro, at puwede niyang bisitahin ang ama sa kondisyon na magmukha siyang lalake. Magagalit si Vincent sa ginawang ito ng pamilya niya, pati na rin kay Lally. Iiwan niya ang asawa para bumalik sa isang lalake na alam niyang makaiintindi sa pinagdaraanan niya.

Dahil sa pag-alis ng kanyang asawa, makararamdam ng galit si Lally. Kahit kasi nagsisimula nang mag-open up ang asawa sa kanya, hindi pa rin buong katotohanan ang nakukuha niya kay Vincent. Ito ang magtutulak sa kanya na makipagkita kay Paul na patuloy siyang iniintindi at kinakaibigan. Ang problema nga lang, makikita sila ni Elaine at pag-iisipan ng masama ang kanilang pagkakaibigan.

Paano kaya haharapin ni Lally ang panibagong problemang ito, lalo na ngayon na siya ang lumalabas na masama? Tuluyan na kayang hihiwalayan ni Vincent ang asawa para maging totoo sa sarili? Handa na kaya si Eric na muling umibig?

Alamin ang mga susunod na mangyayari sa My Husband's Lover, gabi-gabi pagkatapos ng Mundo Mo'y Akin, sa GMA Telebabad. -- Text by Michelle Caligan, Source GMANetwork.com


SPONSORED LINKS
 
Top