SPONSORED LINKS
  Makulay, maingay at magulo raw ang buhay ng isang rakista. Marami tuloy ang interesadong malaman na sa kabila ng sigawan ng kanilang mga tagahanga, ano nga ba ang tunay na pagkatao ng mga rockstar?  Isa sa mga pangalang namamayagpag ngayon sa mundo ng rock and roll ay ang lead singer ng bandang Callalilly na si Kean Cipriano.

  Mula sa pagiging singer, pinasok na rin ni Kean ang pag-aartista. Nakilala siya sa kanyang pagganap sa indie film na Babae sa Septic Tank. Dahil daw dito, nasundan pa ang kanyang pagganap sa iba’t ibang pelikula.  Ngayong Sabado sa Follow That Star, papapasukin tayo  ni Kean Cipriano sa kanyang buhay sa harap at likod ng camera.  
 
  Naabutan ng Follow That Star si Kean habang natutulog pa sa kanyang kwarto. Pagkagising, ipinakita niya ang kanyang mga  personal na gamit. Isa na rito ang kanyang koleksyon ng mga rosaryo na ang karamihan ay bigay ng kanyang mga fans. 

  Bagamat, tinuturing na rakista, marami ang hindi nakakaalam na sa isang Catholic school nagtapos si Kean ng highschool, kaya naman likas na raw sa kanya ang pagiging relihiyoso. Sa katunayan, tuwing may mall show o kaya ay may guesting ang kanyang banda, nangunguna siya lagi sa pagdarasal  bago sila sumalang sa stage.

  At kahit busy sa kanyang schedule, isinisingit pa rin niya ang pagpunta sa simbahan para magpasalamat sa natatanggap na biyaya. Nitong nakaraang linggo, itinanghal ang kauna-unahang solo concert ni Kean na ginanap sa Aliw Theater. Naroroon ang Follow That Star mula sa ginawa niyang paghahanda hanggang sa matapos ang kanyang concert. Ibang klase talaga ang appeal ng isang rockstar dahil hindi magkamayaw sa kilig ang mga fans ni Kean sa tuwing kumakanta siya.  Ang kanyang musika talagang hinahangaan at tinitilian ng marami.   Ayon nga  sa singer and songwriter na si Jay Durias, malaki ang potential at malayo ang mararating ni Kean sa rock scene.

   Sundan ang buhay ni Kean Cipriano sa Follow That Star, Sabado, 7:55 PM sa GMA News TV.
SPONSORED LINKS

Post a Comment Disqus

 
Top